Cainta, Rizal. Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) anti-scalawag unit ang dalawang pulis at ang kanilang mga kasabwat dahil sa pangingikil ng pera sa isang residente na inakusahan nilang sangkot sa ilegal na droga.
Sa isang pahayag kahapon, kinilala ni Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) chief Brig. Gen. Warren de Leon ang mga pulis na sina Senior Master Sgt. Michael Familara, 47 anyos, desk officer ng Sub-Station 7, Station 2 (Pasig) ng Eastern Police District (EPD) at Cpl. Nathaniel San Buenaventura, 30 anyos, itinalaga bilang beat patroller ng nabanggit ding istasyon.
Arestado din ang dalawa nilang kasamahang sibilyan na sina Juan Carlo Fernandez Zapanta at Carl Gorgonio Anito.
Ang mga suspek ay inaresto ng mga miyembro ng Integrity Monitoring Action Team (IMEAT) dakong alas 9 noong Lunes ng gabi sa Cainta, Rizal.
“A complainant went to our office to seek help. According to her alleged four men forcibly entered their house on Oct. 18 and took her money amounting to PHP10,000 and the coin bank of her daughter. The complainant was allegedly arrested for illegal drug use and was brought to the vicinity of Pasig City Police Station but was not detained,” ayon kay de Leon.
Humingi ang mga suspek ng PhP100,000 na natawaran ng PhP10,000 na babayaran sa pamamagitan ng GCash kapalit ng hindi pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kanya.
Ang complainant ay nagpadala ng PhP6,000 sa pamamagitan ng GCash noong Oktubre 19. Noong hapon ng parehong petsa, dinala siya pabalik sa kanyang tirahan.
Ang mga suspek ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa kanya upang hingin ang natitirang balanse. Dahil sa takot, pinuntahan ng complainant ang bahay ng kanyang mga kapatid sa Taguig City at ikinuwento ang insidente noong Oktubre 23.
Sinabi ni De Leon na inilunsad ang law enforcement operation matapos mag-text ang isa sa mga suspek sa complainant na kukunin na niya ang balanseng PP4,000 na kanilang napagkasunduan noong Lunes ng gabi.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang mga suspek sa bahay ng complainant para kunin ang balanse.
Sa pagkakaaresto, nakumpiska sa mga suspek ang apat na piraso ng PhP1,000 bill na genuine (dusted money); isang maliit na transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu; isang Glock 9mm Pistol na may serial number na BYG606 at dalawang magazine na puno ng mga live ammunition na hindi PNP issued firearm; isang Taurus 9mm pistol na may serial number na TLT94397 at tatlong magazine na puno ng mga live ammunition na inisyu ng PNP; isang kalibre 45 (airsoft); isang motorsiklo at tatlong cellular phone.
“Upon record check, the arrested suspects are in the CounterIntelligence Watchlist. San Buenaventura for his involvement in mauling incidents and illegal discharge of firearms and Familara for estafa /swindling.” ayon pa rin kay de Leon.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong robbery (extortion), paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Parehong nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang dalawang pulis. (PNA)
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.