BATANGAS CITY. Dalawang Russian nationals ang nasawi habang nagsasagawa ng scuba diving sa Verde Island, Batangas noong Huwebes, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas nitong Biyernes.
Ayon sa PCG, apat na Russian divers ang lumangoy sa bahagi ng Pulong Bato nang bigla silang tangayin ng malalakas na alon. Dalawa sa kanila ang nakaligtas at nakalabas ng tubig, habang ang dalawa pa ay nawala.
Isa sa mga nawawalang divers ang natagpuan at agad na dinala sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival.
Makalipas ang ilang oras, natagpuan din ang katawan ng isa pang Russian diver. Ayon sa PCG, nawalan ito ng isang kamay sa hinihinalang pag-atake ng pating. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanilang pagkamatay.
Magpapatuloy ang masusing pagsisiyasat ng PCG sa insidenteng ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga divers at turista sa nasabing lugar.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.