MALVAR, Batangas. Nahuli ang dalawang suspek sa isinagawang operasyon sa Malvar, Batangas matapos ang madugong pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng manager ng isang textile company.
Kinilala ang biktima na si Clarence Sualog, 42 anyos, na kasalukuyang officer-in-charge ng Mariwasa Company sa Batangas.
Ayon kay Major Jonathan Amutan, hepe ng Malvar Police Station, nangyari ang insidente alas-6:30 ng umaga habang si Sualog ay nasa labas ng kanyang inuupahang apartment malapit sa Uno gas station sa JP Laurel Highway sa Malvar. Bigla na lamang lumitaw ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo at agad na pinagbabaril ng malapitan ang biktima.
Sa ulat ni Amutan, ang isa sa mga suspek na natukoy na si Onisemo Bernil Jr. ay agad na nahuli ng pulisya matapos ang insidente.
Nakarinig ang mga nagpapatrulyang pulis ng dalawang putok ng baril kaya’t agad silang tumugon at nahagip ang dalawang lalaki na nakasuot ng itim na jaket at may hawak na baril habang umaalis na pasakay sa motorsiklo patungong Barangay Luta Norte.
Sinabi din ni Amutan na ang isa pang suspek na si Freddy Bhoy Hinaut, isang security guard na taga-Mindanao, ay nakatakas sa lugar ng krimen, ngunit nasukol din ng mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation sa Brgy. Pantal Bugallon, Pangasinan.
“Natukoy natin ang kinaroroonan ng tumatakas na suspek sa tulong ng kanyang kapatid na kusang nakipagtulungan sa mga tauhan ng tracker team,” pahayag ni Amutan sa PSN sa isang panayam sa telepono.
Sa imbestigasyon, lumalabas na ang motibo ng krimen ay ang matagal ng alitan sa pagitan ng mga sangkot.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.