2 traysikel nagbanggaan: 1 patay, 2 sugatan

0
101

CANDELARIA, Quezon. Isa ang namatay at dalawa ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang traysikel sa Candelaria-San Juan road sa Brgy. Malabanban Sur dito, kagabi.

Agad namatay sa aksidente ang traysikel driver na si Romulo Lopez, 58 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Sta. Catalina Sur dahil sa malalang tama sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, ginagamot ngayon sa Candelaria District Hospital sina Arman Adano, 26 taong gulang na driver ng traysikel mula sa Brgy. Malabanban Sur, at si Romeo de Torres ng Barangay Masin Norte na isa sa mga pasahero.

Ayon sa pulisya, bandang alas-7:00 ng gabi nang pareho nilang minamaneho ang kanilang traysikel at patungo sa magkahiwalay na direksyon. Nang makarating sila sa nasabing lugar, nagbanggaan ang dalawang sasakyan na nagresulta sa pagkawasak ng mga traysikel.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.