MAYNILA. Isang barko na pinamumunuan ng 20 Filipino seafarers, kabilang ang kapitan, ang naharang sa South Korea matapos matagpuan dito ang tone-toneladang hinihinalang cocaine — isa umanong pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng bansa, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa pahayag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Martes, inihayag niyang patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang antas ng pagkakasangkot ng mga Pinoy crew members. “Iniimbestigahan pa kung meron pang ibang kasama o sangkot na tripulante at kung ano ang naging role nila sa insidente,” ani Cacdac.
Ayon sa ulat, natagpuan ng South Korean authorities ang mahigit 50 kahon ng umano’y cocaine na tumitimbang ng tinatayang dalawang tonelada, nakatago sa isang compartment sa engine room ng cargo vessel na M/V Lunita.
Nagmula ang impormasyon ukol sa kontrabando mula sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) at Homeland Security Investigations, dahilan para bantayan ang pagdating ng barko sa South Korea.
Ang M/V Lunita, na may Norwegian flag, ay nagmula sa Mexico at dumaan sa mga bansang Ecuador, Panama, at China, bago ito dumaong sa South Korea.
Kinumpirma naman ng J.J. Ugland Companies, ang shipping company na may-ari ng barko, na mga Pilipino ang bumubuo ng crew. Sa kanilang pahayag, sinabi ng kompanya:
“It is unclear how the drugs came aboard our vessel. We are working with relevant authorities to assist in the investigation, both in South Korea and in other affected jurisdictions.”
Sa kasalukuyan, mayroong abogado mula sa shipowner na nagbibigay ng legal assistance sa mga tripulante. Ngunit ayon kay Cacdac, magpapadala rin ang gobyerno ng Pilipinas ng sarili nitong abogado sa loob ng dalawang linggo upang matiyak ang proteksyon ng karapatan ng mga crew.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa mga pamilya ng mga tripulante para sa kaukulang suporta at impormasyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon habang nakatutok ang mga international at lokal na awtoridad sa isa na namang kontrobersyal na kaso ng drug trafficking sa karagatan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo