22 execs, mga kontratista, kinasuhan ng DPWH

0
288

MAYNILA – Sinampahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang 22 opisyal ng ahensya at ilang kontratista na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa La Union at Davao Occidental.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang mga kaso ay malversation of public funds through falsification of public documents kaugnay ng mga proyektong natuklasang substandard at ilan ay “ghost projects.”

Kinilala ni Dizon ang St. Timothy Construction Corporation at ang may-ari nito na si Sarah Discaya bilang kabilang sa mga kinasuhan.

“Twelve people were charged, plus the Silverwolves Corporation for the La Union case. Nine for the Davao Occidental case, plus St. Timothy Corporation and Sarah Discaya,” pahayag ni Dizon sa isang press briefing.

Nagsimula ang kaso matapos ang mga inspeksyon ng DPWH sa ilang flood control structures na nagbunga ng mga nadiskubreng iregularidad.

Noong Setyembre 16, personal na ininspeksyon ni Dizon ang dalawang flood mitigation projects sa Bauang River Basin sa La Union, na nagkakahalaga ng tig-P89.7 milyon at parehong nai-award sa Silverwolves Construction Corporation.

Ayon kay Dizon, parehong substandard ang dalawang proyekto kahit na nabayaran na ito nang buo ng pamahalaan.

Sa Davao Occidental, natuklasan naman ng DPWH na “ghost project” lamang ang flood control structure na nagkakahalaga ng P96.5 milyon, na nai-award sa St. Timothy Construction noong Enero 2022.

Giit ni Dizon, tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng ahensya upang masiguro na mapapanagot ang lahat ng sangkot at maprotektahan ang pondo ng bayan laban sa katiwalian.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.