22 Pinoy nailigtas ng Israeli security forces matapos umatake ang Hamas; 7 pa ang nawawala

0
201

TEL AVIV, Israel. Ayon sa Presidential Communications Office, 22 mga Pilipino ang nasagip ng security forces ng Israel, habang ang pitong iba pa ay hindi pa natatagpuan matapos ang pagsalakay ng mga miyembro ng Hamas sa mga komunidad sa Israel, ayon sa balita noong Lunes.

Batay sa impormasyon mula sa PCO, kinumpirma ng Philippine Embassy sa Israel na nailipat na ang 22 Pilipino sa isang mas ligtas na lugar at ngayon ay pansamantalang nakatuloy sa mga hotel.

Sa nasabing 22 indibidwal, isa ay kasalukuyang ginagamot sa isang ospital dahil sa mga tinamong malubhang sugat. Samantala, ang isa naman ay ginagamot pa dahil sa smoke inhalation, at ngayon ay nasa isang hotel na sa Tel Aviv.

Dalawa sa kanila ay binisita na rin ng mga opisyal ng Pilipinas.

Nagbigay rin ng abiso sa Philippine Embassy sa Tel Aviv ang isang Pilipina mula sa Pilipinas at sinabi niyang nakilala niya ang kanyang asawa sa isa sa mga video na kumakalat sa social media, kung saan makikita ang isang lalaki na hawak ng mga armadong indibidwal.

Sa kasalukuyan, hindi pa ma-verify ng mga awtoridad ang impormasyong ito batay sa video lamang, subalit ang inpormasyon ay naipasa na sa mga awtoridad ng Israel.

Pitong iba pang mga Pilipino ay hindi pa natatagpuan. Ayon sa embahador sa Tel Aviv, hindi makontak ang mga Pilipinong ito sa kanilang mga mobile number at social media accounts.

Sinabi naman ni Consul General and Deputy Chief of Mission Anthony Mandap ng Philippine Embassy sa Israel na karamihan sa mga Pilipinong nasa Gaza Strip ay may mga Palestinian na asawa.

Saad din ng PCO, sa ngayon, hindi pa humihiling ng agarang repatriasyon ang mga Pilipino na naninirahan sa Israel, ngunit mayroon nang plano para dito sakaling kailanganin.

Gayundin, handang tumulong ang embahada sa Israel sa Philippine Embassy sa Amman, Jordan, na may pangunahing jurisdiction sa Gaza, sakaling magsagawa ng repatriasyon ng mga Pilipino.

Ipinapayo sa mga Pilipinong nagbabalak na maglakbay patungo sa Israel na iurong muna ang kanilang biyahe hanggang sa maging stable ang kalagayan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.