24 ex-PNP chiefs, iniimbestigahan kaugnay sa pagtakas ni Alice Guo

0
193

MAYNILA. Sinisiyasat ng Philippine National Police (PNP) ang 24 dating PNP chiefs dahil sa alegasyong isa sa kanila ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makatakas mula sa bansa kapalit ng malaking halaga. Ito ang ibinunyag ni PNP chief Police General Rommel Marbil sa pagdinig ng Senate finance subcommittee hinggil sa P205.8-bilyong budget ng PNP para sa 2025.

“Wala pa po kaming report coming from [retired] General Raul Villanueva doon sa sinabi niya, but we are investigating 24 of our former chief PNP kung involved po sila,” pahayag ni Marbil.

Dagdag pa rito, nais din ng PNP na makuha ang pahayag ni PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, na dating commander ng Intelligence Services Armed Forces of the Philippines (ISAFP). Ayon kay Marbil, “For the meantime, (lahat ng 24 ex-PNP chiefs) ‘yun po ang iniimbestigahan natin but we have to ask General Villanueva to really mention the name kasi under oath po siya.”

Sinabi rin ni Marbil na nakipag-usap na siya kay DILG Secretary Benhur Abalos para palawigin ang imbestigasyon hindi lang sa mga dating PNP chiefs kundi sa lahat ng posibleng tumulong kay Guo sa kanyang pagtakas.

Sa isang pagdinig sa Senado noong Martes, isiniwalat ni Villanueva na may mga intelligence report na nagsasabing isang dating PNP chief ang nasangkot sa pagtakas ni Guo at bahagi ng kanyang “buwanang payroll.” Bagama’t kinukumpirma pa ang impormasyong ito, tinukoy ni Marbil na may negatibong epekto ito sa imahe ng PNP.

“Hindi kami natutuwa sa sinabi niya. Since he is under oath, you have to tell us kasi it affects the whole organization,” ani Marbil. “And remember, it’s not the whole organization na PNP alone. It’s peace and order ang naapektuhan doon sa sinabi niya.”

Ayon pa kay Marbil, kasalukuyang ginagawa ng PNP ang liham na naka-address kay Villanueva, hinihimok itong pangalanan ang ex-PNP chief na tinutukoy niya. Sakaling mabigo si Villanueva na ibunyag ang pangalan, ang usapin ay mapupunta sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa mas malalim na imbestigasyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.