BULACAN. Dinakip ng mga awtoridad ang 26 katao na naaktuhang sangkot sa iligal na “spider derby” sa isang operasyon laban sa ilegal na sugal sa bayan ng Marilao.
Ayon kay PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit-Bulacan, ikinasa ang operasyon nitong Agosto 17, bandang alas-9 ng gabi, sa loob ng isang subdibisyon sa Brgy. Saog. Katuwang sa operasyon ang Marilao police at Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company.
Naabutan sa akto ang mga suspek, kabilang ang isang alyas “Jay-ar” na umano’y operator ng palaro. Nasamsam mula sa kanila ang isang set ng spider arena, dalawang wooden palette, dalawang spider case na naglalaman ng 13 buhay na gagamba para sa derby, at P11,600 na cash bet.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling – Spider Derby) at Republic Act 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





