2nd BAYANiJUAN Festival sinimulan sa Tiaong, Quezon

0
228

TIAONG, Quezon. Pormal nang sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Tiaong ang isang linggong pagdiriwang ng 2nd BAYANiJUAN Festival 2024, na nagbigay-daan sa iba’t ibang makulay na aktibidad at kompetisyon para sa mga residente.

Nagsimula ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang Misang Pasasalamat, na sinundan ng Kababaihang Meaksyon ng Tiaong (KMEA) BAYANiJUAN Cook Fest. Sampung grupo mula sa 31 barangay ng Tiaong ang nagtagisan sa pagluluto ng iba’t ibang lokal na putahe. Sa pagtatapos ng kompetisyon, ang Cluster 9 ay itinanghal na kampeon at nag-uwi ng P17,000. Pumangalawa ang Cluster 10 na tumanggap ng P15,000, habang ang Cluster 3 ay nagtamo ng P13,000 bilang ikatlong puwesto. Ang pitong natitirang grupo ay binigyan ng tig-P11,000 bilang consolation prizes.

Bukod sa cook fest, binuksan din ang Agri-Tourism Trade Fair na nagtatampok ng iba’t ibang lokal na produkto mula sa Tiaong. Ang trade fair ay isang magandang pagkakataon para sa mga lokal na negosyante na maipakita at maibenta ang kanilang mga produkto.

Ang BAYANiJUAN Festival ay unang inilunsad noong nakaraang taon bilang pagdiriwang sa patron ng bayan, si San Juan Bautista, at upang ipakita ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Tiaong. Ayon kay Mayor Mea, ang festival na ito ay isang simbolo ng kanilang paniniwala sa pagiging “Tiaong Stronger Together.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.