MAYNILA – Malugod na inimbitahan ng Iglesia ni Cristo ang publiko, kabilang ang mga hindi miyembro, na dumalo sa kanilang tatlong araw na anti corruption protest mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Sa isang pahayag, sinabi ng INC na layon ng pagtitipon na palakasin ang panawagan para sa isang maayos at malinaw na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control na pinondohan ng trilyong pisong pondo ng bayan. Bahagi rin ng kampanya ang pagtulak para panagutin ang mga sangkot at mabawi ang pondo na sinasabing nagamit sa maling paraan.
Ayon kay Brother Edwil Zabala, tagapagsalita at ministro ng ebanghelyo ng INC, bukas ang kanilang kilos protesta para sa lahat.
“This November 16 to 18 rally is not to interfere in politics but to express our sentiment and lend the voice of the Iglesia Ni Cristo to the calls of many of our countrymen condemning the enormous evil involving many government officials,” pahayag ni Zabala.
Dagdag niya, ang panawagan ng INC ay paggamit lamang ng karapatan ng mamamayan na magpahayag, na protektado ng Konstitusyon.
Nakatakdang magsimula ang programa sa unang araw ng pagtitipon sa Nobyembre 16 ganap na 4 p.m. sa Quirino Grandstand. Ang mga ministro ng INC ang inaasahang magiging pangunahing tagapagsalita, ngunit bukas din ang entablado para sa mga hindi miyembro na magbibigay ng talumpating tumutugma sa layunin ng Iglesia.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






