3 human kidney trafficker, arestado sa Bulacan

0
194

MAYNILA. Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko ang tatlong naarestong indibidwal na sangkot sa organ trafficking sa Bulacan.

Ayon kay NBI Director Judge Jaime B. Santiago, nakatanggap ng reklamo ang NBI-NCR kaugnay sa ilang indibidwal na sangkot sa kidney organ trafficking. Sa kanilang imbestigasyon, natuklasan na ang mga suspek ay nagre-recruit ng kanilang mga bibiktimahin at pinadadali ang paglipat ng kanilang kidney organ sa mga kliyente kapalit ng bayad na P200,000.

Sa presentasyon ng NBI sa mga suspek, ibinunyag na matapos maiabot ang downpayment sa biktima, inililipat ito sa isang bahay na matatagpuan sa Brgy. Tungkong Mangga, SJDM, Bulacan kung saan ito sasailalim sa iba’t ibang proseso hanggang mailipat ang kidney.

Bilang agarang aksyon sa nasabing impormasyon, tumulak ang NBI kasama ang mga social worker mula sa SJDM City Social Welfare and Development Office para sa rescue operation. Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakasagip sa siyam (9) na biktima.

Naaresto ang mga suspek na sina Angela Atayde, Marichu Lomibao, at Dannel Sicat. Kinilala ng mga biktima ang tatlo bilang grupo na nagpoproseso ng kanilang kidney transfer. Samantala, nakatakas ang lider at head nurse sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na si Allan Ligaya.

Ang mga biktima ay itinurn-over na sa kustodiya ng mga social worker ng City Social Welfare and Development Office ng SJDM, Bulacan.

Samantala, ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Human Trafficking Act.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo