3 HVT nahuli sa P3.1-M na halaga ng shabu sa Laguna

0
175

CALAMBA CITY, Laguna. Tatlong itinuturing na high value target na drug pushers ang nasakote ng mga tauhan ng anti-narcotic sa isang buy-bust operation kung saan ay nakumpiska ang halagang P3.1 milyon na shabu sa lungsod na ito noong Sabado.

Kinumpirma ni Laguna Police provincial director Col. Randy Glenn Silvio ang mga pangalan ng mga suspek na sina Roni Hernandez, Christian Libao, at Jayson Muyna, na pawang residente ng Calamba City, Laguna.

Ayon kay Silvio, ang tatlong suspek ay kasama sa listahan ng mga High Value Target personalities na aktibo sa lalawigan at mga kalapit na bayan.

Sina Hernandez at Libao ay naaresto sa Brgy. Turbina at nakuhanan ng walong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, na umabot sa 405 gramo at nagkakahalaga ng P2.7 milyon.

Samantala, si Muyna naman ay nasabat sa Brgy. Halang at may dala-dalang 53.75 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P365,500.

Idinagdag ni Silvio na ang tatlong suspek ay kasama sa 35 drug suspects na naaresto sa sunod-sunod na anti-illegal drug drive sa Laguna.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.