3 kilabot na pugante nasakote sa Mimaropa

0
173

Tatlong most wanted persons (MWP) ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Mimaropa kamakailan.

Sa isang pahayag kanina, kinilala ni Police Regional Office 4B (Mimaropa) chief Brig. Gen. Sidney Hernia ang mga suspek na sina Epelimenico Flores Diaz, 56 anyos; Rodel Dion Alcain, 43 anyos; at Allan Mangao Gacute, 27 anyos.

Si Diaz, na nakalista bilang top 1 most wanted person sa rehiyon, ay naaresto noong Huwebes sa joint law enforcement operation na pinangunahan ng mga tauhan ng Rizal Municipal Police Station (MPS) kasama ang mga elemento mula sa Regional Intelligence Unit 4B sa ilalim ng PNP- Intelligence Group sa Purok Pag-asa, Barangay Antipuluan, sa Narra, Palawan.

Si Diaz ay pinaghahanap ng Brooke’s Point Palawan Regional Trial Court (RTC) Branch 165 para sa tatlong bilang ng panggagahasa na walang inirekomendang piyansa.

Samantala, si Alcain, tubong Negros Occidental, na nakalista bilang top most wanted person ng Marikina City, ay naaresto noong Martes sa joint law enforcement operation na pinangunahan ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station.

Si Alcain ay pinaghahanap para sa apat na bilang ng panggagahasa na walang inirekomendang piyansa ng ng Marikina City RTC Branch 192.

Samantala noon ding Martes, si Gacute, na nakalista bilang ikatlong most wanted person sa Antique ay naaresto sa isang joint law enforcement operation na pinangunahan ng mga tauhan ng Bulalacao MPS sa Barangay Poblacion, Bulalacao, Oriental Mindoro.

Si Gacute ay pinaghahanap din dahil sa panggagahasa at may warrant of arrest na inisyu ng Culasi, Antique RTC Branch 13.

Mula Enero nitong taon, nasa kabuuang 431 most wanted persons na ang naaresto ng PRO 4B, batay sa datos ng Regional Investigation and Management Division.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.