TAYTAY, Rizal. Tatlong bangkay ng lalaki na hinihinalang mga biktima ng summary execution o salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Rizal, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Batay sa report ng Rizal Police Provincial Office, bandang 4:00 ng madaling araw kamakalawa nang matagpuan ang unang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki sa MH Del Pilar St., sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal. Ayon sa ulat, napadaan sa lugar ang bus driver na si Benjamin Dy, nang makita ang bangkay na nakasilid sa isang itim na garbage bag at iniwan sa gilid ng kalsada. Agad niya itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, natuklasang nakatali ang mga kamay at paa ng duguang biktima.
Samantala, dakong 11:30 ng gabi noong kamakalawa rin nang matagpuan ang dalawa pang bangkay ng lalaki sa May Puso Ave., Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal. Isang concerned citizen na pauwi na ang nakakita sa dalawang bangkay sa gilid ng kalsada na may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad itong inireport sa pulisya upang maimbestigahan.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga insidente upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.