3 magkakapatid patay sa sunog sa Rizal

0
182

TAYTAY, Rizal. Tatlong magkakapatid ang nasawi kabilang ang isang person with disability (PWD) na tinangkang sagipin, matapos silang ma-trap sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa bayang ito sa Rizal kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Gloria Valera de Silva, 77, may-ari ng bahay; at sina Celerina Valera, 56-anyos at Elvira Valera, 66-anyos; pawang nakatira sa pawang residente ng J.K Bunyi St., Ortigas Avenue Extension sa Barangay Dolores, Taytay, ayon sa ulat ni Lt. Col. Gaylord Pagala, hepe ng Taytay Police Station.

Ayon sa mga salaysay ng hipag ng mga biktima na si Lorna Valera, nakalabas na umano ng bahay ang dalawa sa mga namatay ngunit napansin nila na hindi pa nailalabas ang kapatid nilang lumpo.

Dahil dito, bumalik sila sa loob ng bahay upang iligtas sana ang kanilang kapatid ngunit nakulong sila ng apoy at namatay.

Bandang-9:28 ng gabi nang maideklarang under control ng mga fire officers ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-9:47 ng gabi.

Sa mopping operations, narekober ng mga bumbero ang mga bangkay ng mga biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog habang tinata­yang hindi lalampas sa P350,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinu­pok nito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.