3 Patay, 4 sugatan sa magkakahiwalay na pamamaril sa Quezon

0
358

LUCENA City, Quezon. Sa loob ng wala pang isang linggo, naganap ang apat na magkakasunod na kaso ng pamamaril ng riding-in-tandem sa lalawigan ng Quezon, kung saan tatlo ang namatay at apat ang sugatan.

Ang unang insidente ay nangyari sa Brgy. Mayao Castillo, Lucena City, kung saan binaril ng mga salarin ang isang 42-anyos na lalaki at ang kanyang 12-anyos na anak na babae habang sakay sila ng tricycle papunta sa eskwelahan noong Lunes ng umaga. Agad namatay ang ama sa lugar ng insidente habang dinala naman ang bata sa ospital subalit binawian rin ng buhay.

Noong Miyerkoles, isa pang biktima, isang 48-anyos na lalaki na residente ng Barangay Isabang sa Lucena City, ay binaril at napatay din ng riding-in-tandem habang pauwi mula sa paghahatid sa kanyang anak sa eskwelahan. Ang insidente ay naganap malapit sa gate ng kanilang tinitirhan na subdivision.

Noong Huwebes naman ng gabi, binaril ng riding-in-tandem ang isang 28-anyos na construction worker habang naglalakad sa gilid ng highway sa Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City. Tinamaan din ng mga ligaw na bala ang isang driver na nagkataong kumakain sa isang karinderya malapit sa lugar. Dalawang tao ang nakaligtas at dinala sa ospital.

Sa bayan naman ng Tiaong, Quezon, nasugatan ang mag-asawang senior citizen na residente ng Brgy. Cabay nang barilin ng riding-in-tandem suspect sa national highway sa Sitio Centro, Brgy. Del Rosario habang sakay sila ng tricycle at papauwi sa kanilang tahanan noong Huwebes ng hapon ng alas 3:30. Nakaligtas ang mag-asawa sa pamamaril.

Nalaman na ang mister ay kakalabas lamang ng piitan noong Mayo 9 matapos maaresto ng CIDG Laguna PFU dahil sa kasong illegal possession of firearm noong April 28, 2023.

Pawang nakatakas ang mga salarin sa lahat ng apat na insidente. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga sunod-sunod na pamamaril na ito.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo