3 patay sa gumuhong landfill sa Rizal, mga kaanak nagprotesta

0
198

RODRIGUEZ, Rizal — Umakyat na sa tatlo ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng tambak na basura sa Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Rodriguez, Rizal, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), habang patuloy ang search and retrieval operations sa lugar.

Nagkaroon ng malawakang pagguho sa Phase 5 ng landfill bandang 3:00 ng hapon noong Pebrero 20. Sa mga naunang ulat, tatlong katao ang naiulat na nawawala matapos bumigay ang siksik na tambak ng basura, na ayon sa operator ay naapektuhan ng bigat ng heavy equipment sa ibabaw nito.

Sa pinakahuling development nitong Pebrero 22, nagprotesta at nagtirik ng kandila sa gate ng pasilidad ang ilang survivor at kaanak ng mga biktima. Iginiit ng mga pamilya na may iba pa silang kaanak na nasa dumpsite nang mangyari ang pagguho at hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Nanawagan sila ng mas pinaigting na rescue operations sa bahagi ng landfill na gumuho, na ayon sa kanila ay maaaring nagbaon sa tinatayang nasa 50 katao.

Nakiisa sa kilos-protesta ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap at ang environmental group na Kalikasan.

“Mahirap sa mga kapamilya ng mga biktima ang maghintay ng matagal. Ang mga tao na dapat nagbibigay ng proteksyon sa kanila, hindi maramdaman na kinakalinga sila,” pahayag ni Eufemia Doringo ng Kadamay. “Hamon ito sa lokal na pamahalaan na kumilos ng mabilis,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ng abogado ng International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (ISWIMS), ang operator ng landfill, na patuloy ang imbestigasyon at ground validation upang matukoy ang eksaktong bilang ng mga biktima at nawawala.

Patuloy ding mino-monitor ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources sa Calabarzon ang insidente. Naglabas ito ng direktiba para sa agarang stabilization measures, kabilang ang waste compaction, soil covering, slope stabilization, at mahigpit na kontrol sa galaw ng heavy equipment.

Magkakaroon ng technical conference sa pagitan ng mga awtoridad at operator upang repasuhin ang pagsunod sa Environmental Compliance Certificate at iba pang environmental at safety standards. Maaaring maglabas ng Notice of Violation kung mapatunayang may paglabag.

Habang nagpapatuloy ang operasyon ng landfill, patuloy din ang panawagan ng mga pamilya para sa mas mabilis, mas malinaw, at mas transparent na aksyon mula sa mga kinauukulan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.