3 sinaksak ng nag amok na kaanak, suspek napatay

0
460

San Jose, Batangas. Tatlong miyembro ng pamilya ang sugatan matapos atakihin at pagsasaksakin ng nag-amok na kamag-anak na napatay sa pag-aagawan ng patalim sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Balagtasin 1, bayang ito, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Major John Villanueva, hepe San Jose Municipal Police Station ang mga sugatang biktima na sina Romnick Jobog, 24; welder; ama nitong si Roland, karpintero at inang si Maria Criselda, 50. Sila ay kasalaukuyang ginagamot sa  San Jose District Hospital.

Sinabi ni Villanueva na si Romnick ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan, si Roland ay nagtamo din ng saksak sa katawan samantalang si Maria Criselda ay nasugatan sa mukha.

Napatay naman sa pag-aagawan ng patalim ang suspek na si Reonel Jobog, 42, isa ring welder at pinsan ni Roland.

Sa imbestigasyon, habang mahimbing na natutulog ang nasabing pamilya ay bigla silang nabulabog ng ingay ng suspek na lasing at nagwawala sa labas ng kanilang bahay saka sumisigaw ng “Romnick lumabas ka dyan at papatayin kita!”

Sa kabila nito, hindi pinansin ng mga biktima ang pagwawala ng suspek subalit nagulat na lang sila nang biglang tadyakan ng huli ang pintuan ng kanilang bahay at makapasok ito ay agad nitong sinaksak si Romnick kaya sinubukang umawat ang mga magulang ng huli pero sila rin ay inundayan ng saksak ng suspek.

Nang mag-agawan sa patalim, nalaglag ito sa sahig kaya pinulot ni Romnick hanggang sa makipag-agawan muli ang suspek na nagresulta upang siya ay masaksak at mapatay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.