3 sugatan sa pamamaril dahil sa ‘road rage’ sa Antipolo

0
250

ANTIPOLO CITY. Nauwi sa madugong insidente ang isang away sa kalsada sa Marcos Highway, Barangay San Jose, Antipolo City nitong Linggo ng hapon, kung saan tatlong katao ang sugatan matapos pagbabarilin ng isang negosyante.

Ayon sa ulat ng Antipolo police, naganap ang insidente bandang alas-5 ng hapon. Kinilala ang mga biktima bilang sina:

  • Peter, isang 52-anyos na negosyante na tinamaan ng bala sa ulo;
  • Patrick, isang 22-anyos na college student na nabaril sa kanang braso; at
  • Davis, isang 29-anyos na nagtamo ng tama ng bala sa kanang dibdib habang tinatangkang pahupain ang sitwasyon.

Agad na isinugod ang tatlo sa Cabading Hospital upang malapatan ng lunas.

Samantala, tinangkang tumakas ng suspek na si Kenneth, isang 28-anyos na negosyante, sakay ng kanyang itim na Toyota Fortuner ngunit naharang siya sa isang checkpoint sa Masinag, Barangay Mayamot, Antipolo City sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya si Kenneth habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na dahilan ng insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.