ORIENTAL MINDORO. Tatlong sundalo, kabilang ang isang opisyal ng militar, ang napatay sa engkwentro laban sa mga hinihinalang rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Baco noong Martes, na nagdulot din ng paglikas ng tinatayang 1,000 pamilyang katutubo ng Mangyan mula sa kabundukan patungo sa kabayanan.
Ayon kay Baco Mayor Allan Roldan, ang mga evacuee ay mula sa Barangay Lantuyang, San Ignacio, Bayanan, at Bangkatan, at kasalukuyang nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan.
Batay sa ulat ng 203rd Infantry Brigade, nangyari ang sagupaan sa Sitio Bituin, Barangay Lantuyang habang nagsasagawa ng pursuit operations ang tropa ng 2nd Infantry Division kasunod ng insidente noong Agosto 9, kung saan narekober ang ilang war materials na iniwan umano ng mga rebelde.
Tatlo pang sundalo ang nasugatan at dinala sa V. Luna Hospital sa Quezon City. Hindi pa matukoy ang bilang ng mga nasawi sa panig ng mga rebelde, ngunit tinatayang 15 miyembro ng NPA ang sangkot sa labanan.
Nagpahayag ng pakikiramay si Maj. Gen. Ramon Zagala, acting commander ng Army’s 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, sa mga naiwang pamilya ng mga sundalo.
“They gave their lives serving the people, keeping our communities safe, and working for peace in Southern Tagalog. Their courage and sacrifice will always be remembered,” aniya.
Dagdag pa ni Zagala, patuloy na nagbabanta sa seguridad at kabuhayan ng mamamayan ang CPP-NPA at nananatiling hadlang sa pag-unlad ng rehiyon. Aniya, determinado ang militar na tapusin ang matagal nang insurhensiya sa Mindoro.
Noong Huwebes, dalawang hinihinalang NPA ang napatay din sa hiwalay na engkwentro sa Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro.


Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





