3 suspek, patay sa pakikipag bakbakan sa CALABARZON PNP

0
632

Calatagan, Batangas. Tatlong suspek ang napatay sa armadong engkwentro sa Brgy. Quilitisan, sa nasabing bayan noong gabi ng Marso 12, 2022.

Kinilala ang mga suspek na sina Joel Robles Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Robles Bahia, pawang mga residente ng Brgy. Biga, sa nabanggit na bayan.

Ang insidente ay naganap matapos rumesponde ang mga pulis mula sa Calatagan Police Station sa ulat na may mga kahina-hinalang tao na gumagala sa Calatagan Cockpit Arena. 

Naganap ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang partido nang unang pagbabarilin ng mga suspek ang mga rumespondeng opisyal nang lapitan nila ang Cockpit Arena.

Nabaril sa dibdib si Patrolman Gregorio S. Panganiban Jr., isa sa mga rumespondeng opisyal sa nasabing engkwentro at isinugod sa Metro Balayan Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Samantala, sugatan din ang 2 sibilyan na kinilalang sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway at isinugod din sa nasabing ospital. Ang dalawa ay nasa estable ng kondisyon, ayon sa report.

Samantala, nagpaabot na ng pakikiramay si PBGEN Antonio C. Yarra sa pamilya ni Patrolman Panganiban. Magiting aniya na ginampanan ni Panganiban ang kanyang tungkulin para sugpuin ang mga suspek na magpatuloy sa kanilang kriminal na gawain, sa kasamaang palad, naging sanhi ito ng kanyang buhay. 

“Ang katapangan ng ating mga rumespondeng pulis ay nararapat tularan lalo na si Patrolman Panganiban na nag-alay ng pinakamataas na sakripisyo alang-alang sa serbisyo. Ang aking pinakamalalim na pakikiramay at taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya.” ayon sa Regional Director.

Nagbabala rin si PBGEN Yarra na mararamdaman ng mga nagbabalak gumawa ng mga kriminal na gawain ang buong pwersa ng batas. “Huwag na kayong magtangka pang gumawa ng krimen o anumang iligal dahil ang ating mga pulis sa PRO CALABARZON ay handang ipatupad ang batas kailanman” dagdag pa niya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.