34 nawawalang sabungero, patay na at itinapon sa Taal Lake, ayon sa testigo

0
2984

MAYNILA. Patay na umano ang lahat ng 34 sabungerong napaulat na nawawala, at ayon sa isang suspek, nakabaon na ang kanilang mga bangkay sa ilalim ng Taal Lake.

Ito ang isiniwalat ng isa sa mga suspek sa kaso na nagnanais umanong maging state witness. Ang suspek ay isa sa anim na security guard ng Manila Arena at nagsalaysay sa isang panayam ng GMA News 24 Oras na ipinalabas kagabi.

Nauna nang kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek sa pagkawala ng mga sabungero na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Ronerto Matillano Jr.

Sa panayam, sinabi ng suspek na kinilala lamang sa alyas na “Totoy” na hamon ngayon sa mga awtoridad ang pagkilala sa mga labi ng mga biktima.

“Paano mabubuhay ’yan eh nakabaon na ’yan doon sa Taal Lake. Lahat ’yan kung huhukayin, mga butu-buto na lang, paano natin makikilala na sila ’yun,” ani Totoy.

Ikinuwento ni Totoy na pinatay ang mga sabungero sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang tie wire o alambre.
“Killing me softly, yung tie wire pinipihit sa leeg,” dagdag niya.

Ayon kay Totoy, lumantad siya dahil sa mga pagbabanta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya. Handa rin umano siyang pangalanan ang utak sa likod ng pagpatay sa tamang panahon.

Dagdag pa ni Totoy, ang mga biktima ay pare-parehong nandaya umano sa laro ng sabong at kalaunan ay iniendorso sa ibang grupo na hindi na niya pinangalanan.

“Bahala na kayo diyan. Sila mismo, ginagawa nila, tinatalian na ng plastic na pantali, kinakarga na sa van,” aniya.

Mas malala pa, isiniwalat din ni Totoy na hindi lang mga sabungero ang nakalibing sa Taal Lake kundi pati umano mga drug lords.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.