36 estudyante naospital dahil sa usok ng bulkang Taal; klase malapit sa bulkan, sinuspindi

0
211

LAUREL, Batangas. Isinugod ang may 36 estudyante sa ospital dahil sumama ang pakiramdam at nahilo matapos makalanghap ng volcanic smog mula sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas noong Biyernes.

Dahil dito, agad na inatasan ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang agarang suspension ng mga klase sa iba’t ibang paaralan na malapit sa Bulkang Taal.

Base sa ulat ng Batangas PDRRMO, bago magtanghali noong Biyernes, dinala ang 36 estudyante ng Bayorbor National High School at Bayorbor Senior High School sa Rural Health Unit (RHU) sa Mataas na Kahoy sa lalawigan.

Nakaramdam ang mga estudyante ng paninikip sa dibdib, kahirapan sa paghinga, at pagkahilo dulot ng usok na lumabas mula sa Bulkang Taal. Ilan sa kanila ay nagkaroon din ng pananakit ng sikmura, panghihina, at halos madapa dahil sa pag-ikot ng kanilang paningin matapos makalanghap ng usok.

Ayon kay Vice Mayor Jay Ilagan ng Mataas na Kahoy, matapos mabigyan ng pangunahing lunas ang mga estudyante, umuwi na ang karamihan sa kanilang mga tahanan mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng umaga.

Sa kasalukuyan, ayon kay Ilagan, mayroon na lamang isang pasyente na nananatili sa pagamutan.

Nakarating sa mga awtoridad ang ulat na naglalabas na ng asupre ang Bulkang Taal simula noong Miyerkules. Ito ay nagresulta sa pagpapalabas ng volcanic smog at nagpapahayag ng posibilidad ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfalls, at pagbuga ng nakakalasong gas mula sa bunganga ng bulkan.

Patuloy ang monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at ng mga lokal na opisyal sa lalawigan upang matutukan ang sitwasyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo