39 BSKE candidates posibleng ma-disqualify dahil sa premature campaigning

0
140

Ipinilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang showcause order laban sa 39 Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) candidates na maaring ma-disqualify dahil sa premature campaigning o maagang pangangampanya.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nag-release ang poll body ng siyam na showcause order noong Huwebes at 30 pa noong Biyernes.

Ayon kay Garcia, ang 39 kandidato ay hiwalay sa 128 petisyon para sa diskwalipikasyon na isinumite sa Comelec matapos ang deadline para sa pagsusumite ng certificate of candidacy.

Wala umanong konkretong reklamo laban sa mga kandidato, ngunit natuklasan ng Comelec ang kanilang premature campaigning sa social media.

“Sa sobrang dami ng aming nakitang ebidensya sa social media at mga ulat na natanggap namin kahit sa text, itong mga ito ay aming iimbestigahan nang maayos sa mga susunod na araw,” pahayag ni Garcia.

Ayon kay Garcia, layunin ng Comelec na maglabas ng desisyon sa mga petisyon para sa diskwalipikasyon bago sumapit ang halalan sa Oktubre 30, 2023.

Isinilaysay rin ni Garcia ang “grey area” ukol sa campaign materials na ibinabahagi ng mga tagasuporta ng mga kandidato sa kanilang mga social media pages.

Tinukoy din ni Garcia ang pamimigay ng mga ballpen, ballers, fans, at t-shirt bilang isang paraan ng vote-buying sa panahon ng kampanya, kung saan madalas hindi maayos na nasusuri ang tunay na halaga ng mga ito.

“Mas makabubuting ligawan ang ating mga kababayan na hindi nangangailangan ng anumang pabuya,” pahayag ni Garcia.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.