4 dayuhan kulong sa pambabastos sa watawat ng Pinas

0
331

TERNATE, Cavite. Hinuli ng awtoridad sa bayang ito ang apat na dayuhan matapos nilang sirain at bastusin ang watawat ng Pilipinas.

Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang mga suspek ay papunta sana sa Puerto Azul subalit sila ay naipit sa matinding trapiko.

Dahil sa kanilang pagkainis, hinatak ng mga dayuhan ang bandera ng Pilipinas na nakasabit sa flag pole sa Marine Base Gregorio Lim at ito ay kanilang pinagpupunit punit.

Ginawa nila ito sa harap ng mga opisyal ng Philippine Marines, na agad namang nag-ulat sa Philippine National Police.

Mabilis na umaksyon ang mga awtoridad at naaresto ang mga dayuhan na sumira sa watawat ng bansa. Kasalukuyan silang nakakulong at kinasuhan na ng paglabag sa RA8491 o mas kilala bilang The Code of the National Flag. Ito ay isang batas na nagpapahalaga sa dignidad at paggalang sa watawat ng Pilipinas.

Ang paglapastangan sa watawat ay hindi kinukunsinti at dapat managot ang mga nagkasala, ayon kay Acorda.

Ipinapakita ng apat na suspek ang kawalang-respeto sa mga simbolo ng ating bansa at pagmamalabis sa kanilang kalayaan bilang mga dayuhan dito sa Pilipinas.

Ang PNP ay patuloy na nagpapatupad ng mahigpit na seguridad at mananatiling alerto sa mga insidenteng tulad nito.

Hinahamon din ni Acorda ang publiko na maging responsableng mamamayan sa pagpapanatili ng kahalagahan at integridad ng ating mga pambansang simbolo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.