TANZA, Cavite. Apat na magkakamag-anak kabilang ang dalawang bata ang nasawi habang isa pa ang sugatan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Brgy. Biwas, sa bayang ito sa Cavite.
Kinilala ng awtoridad ang mga nasawi na sina Teresita, 68 anyos; Anthony, 39-anyos; Gerrone Owen, 12-anyos; at Gemille Anthea, 5-taong gulang; pawang Domingo ang kanilang apelyido.
Ang nasugatan na si Jenn Domingo, na nagtamo ng 33 porsyentong paso o pagkasunog sa katawan, ay ginagamot ngayon sa Tanza Specialist Hospital.
Sa inisyal na report, dakong alas-12:03 ng hatinggabi nang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga Domingo na mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.
Sinabi ng mga imbestigador na nakulong ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Ayon sa residente na si Janeth Sipat, nagising siya at nang tumingin sa labas ng bintana ng bahay na pag-aari ng pamilya Domingo ay nasusunog na ito.
Umabot sa 2nd alarm ang sunog bago idineklarang fire under control ng alas-1:14 ng madaling-araw kahapon at tuluyang naapula ng alas-2:39 ng madaling-araw kahapon sa pagtutulungan ng may 12 trak ng bumbero mula sa loob at labas ng Cavite.
Limang kabahayan na gawa sa konkreto at mahihinang materyales na pag-aari nina Carissa Corcuera, pamilya Domingo, Karen Christable Mangahas, Rolando Co, at Eric Christian Bautista ang naapektuhan ng sunog.
Tinatayang P9 milyong halaga ng mga ari-arian ang nasira sa sunog na patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.