4 na miyembro ng kilabot na robbery gang member, nasilo ng PRO 4A

0
362

Calamba City, Laguna. Pinuri ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge, Lt. Gen. Rhodel Sermonia,kanina ang Police Regional Office sa Calabarzon (PRO 4A) para sa pag-aresto sa apat na miyembro ng kilabot na robbery-hold up gang na nag-ooperate sa Calabarzon at sa National Capital Region (NCR).

Ikinatuwa ni Sermonia ang mabilis na pagkilos ng PRO 4A at sa pinaigting na intelligence operations ng mga operating units na humantong sa pagka aresto sa apat na suspek.

“Ang mabilis na aksyon ng ating kapulisan ay bunga ng kooperasyon at pagkikipagtulungan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga impormasyon at iba pang detalye na makakatulong upang agad na matukoy ang mga salarin na sangkot sa nakawang naganap sa nakalipas na buwan,” ayon kay Sermonia said sa isang statement.

Kinilala ni PRO 4A director, Brig. Gen Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga suspek na sina Larry Gilbero, Jessierell Eusebio, John Clister Balderama at Diosdado Tamondong Jr., na pawang naaresto sa isang operasyon sa Brgy. Calzada sa Tipas, Taguig City noong Nobyembre 26.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang operatiba ng Regional Intelligence Division 4A Special Operations Unit at mga miyembro ng Binangonan, Rizal, at Bacoor at Imus City police, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya.

Sinabi ni Nartatez na nag-ugat ang operasyon sa natanggap nilang impormasyon noong Nobyembre 25 mula sa mga tauhan ng isang convenience store sa Imus City, Cavite na ninakawan ng mga suspek.

Ayon sa ulat, apat na lalaking suspek ang pumasok sa establisyimento at direktang itinanong kung nasaan ang kaha sa naka-duty na staff habang may nakatutok na baril.

Lumabas sa imbestigasyon na matapos na nakawin ng mga suspek ang halagang PhP30,000 at apat na mobile phone sa convenience store ay agad silang tumakas gamit ang dalawang motorsiklo.

Nakilala rin ang mga suspek sa pamamagitan ng closed circuit television camera footage na naitala mula sa convenience store at mga kalapit na establisyimento.

Ang lokasyon ng mga suspek ay natunton ng mga imbestigador ng pulisya sa pamamagitan ng GPS tracker na naka-install sa isa sa mga ninakaw na mobile phone ng mga biktima.

Nakumpiska sa possession ng mga suspek ang dalawang .38-caliber pistol na may defaced serial number, a. 22-caliber pistol, samu’t saring mga bala, mga ninakaw na mobile phone, isang hand grenade, isang motorsiklo, at isang signature baseball cap na ginamit ng isa sa mga suspek sa kanilang robbery heist. Samantala, positibong kinilala ng mga biktima ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.

Ibinunyag pa sa mga ulat na ang mga naarestong suspek at iba pang natukoy na kasabwat na nananatiling nakalaya, ay sangkot sa ilang insidente ng pagnanakaw na nangyari sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Cavite, Batangas, at Las Piñas City mula Setyembre hanggang Nobyembre ngayong taon.

Nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang apat na suspek at nahaharap sa kasong robbery.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.