4 na PNP intelligence officer sinibak kaugnay sa 2 bangkay sa drum sa Laguna

0
311

CALAMBA CCITY, Laguna. Apat na intelligence officer ng Philippine National Police (PNP) ang inalis sa kanilang mga puwesto matapos silang idawit sa magkahiwalay na pagdukot ng tatlong indibidwal sa Laguna na may kaugnayan sa nadiskubreng dalawang bangkay sa drum na lumutang sa ilog sa lungsod na ito.

Ang tatlong pulis na hindi pa napapatunayang may sala ay kabilang sa Calamba Intelligence Division at ngayo ay nahaharap sa kasong administratibo na isinampa ng mga pamilya ng mga biktima sa National Police Commission (Napolcom).

Ang kautusan ay nagmula sa Office of the Police Provincial Director, at sila ay pinatawag kasama ang kanilang mga pinuno upang magbigay ng kanilang pahayag tungkol sa mga paratang.

Ayon sa mga ulat, ang mga inakusahang opisyal ay nakunan ng video footage mula sa isang closed-circuit television camera (CCTV) na malapit sa lokasyon ng pagdukot, na nagpapakita sa mga pulis na kumukuha sa dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal papasok sa isang sasakyan sa Barangay Parian, Calamba City, Laguna, noong ika-11 ng Enero. Kinilala ng mga kamag-anak ang mga biktima kasama ang isang hindi pa nakikilalang lalaki mula sa Los Baños City noong ika-28 ng Marso.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga biktima na sina Diolito Garay Sr., 60, at Aldy Raquion, 23, parehong naninirahan sa Purok 7, Barangay Parian, Calamba City, ay iniulat na nawawala ni Karen Garay, 23, isang online seller sa Barangay Parian, Calamba City noong Enero 24, ngunit inireport lamang sa istasyon ng pulisya noong Marso 11, 2024.

Samantala, noong ika-2 ng Abril, natagpuan ng isang mangingisda ang dalawang bangkay na nakaposas sa loob ng sinementong drum na nakalutang sa Busig-on river sa Barangay Submakin, Lobo, Camariñes Norte. Patuloy ang Labo Police sa kanilang masusing imbestigasyon upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga bangkay na iniuugnay sa mga nawawalang sina Garay at Raquion.

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang sources, ang dalawang nawawalang tao na dinukot sa Laguna ay natagpuang patay sa Lobo, Camariñes Norte habang ang isa pang nawawalang mula sa Los Baños City ay hinihinalang pinatay ngunit hindi pa natatagpuan.

Ang mga binanggit na nawawalang indibidwal ay pinaghihinalaang sangkot sa mga gawain sa iligal na droga.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.