Calamba City, Laguna. Arestado sa lungsod na ito ang apat na suspek na magnanakaw kahapon.
Kinilala ni Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, Officer-In-Charge, Laguna PPO ang mga suspek na sina Cesar Recuenco Arpina, 30 anyos na garbage collector; Gian Derick Atienza Centeno, 21 anyos; Alias Jensen, isang menor de edad at Eddie Boy Balad Legaspi, 30 anyos na dispatcher, pawang mga residente ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa report ng Calamba City Police Station, bandang alas-sais ng umaga nadiskubre ng biktima na ang kanilang sasakyan na tamaraw FX na nakaparada sa harap ng kanilang bahay ay hindi na naka-lock at nakitang wala na ang ibat-ibang gamit sa loob nito,
Nakita sa review ng CCTV camera na nakakabit sa lugar ang mga suspek na binuksan ang kanilang sasakyan at tinangay ang ibat-ibang kagamitan.
Matapos mag report sa barangay, nakilala ang isa sa mga suspek at agad na pinuntahan sa Brgy. Uno, Calamba City. Sa isinagawang follow-up investigation at operation naaresto ng mga barangay tanod ang mga suspek at narekober sa kanila ang isang sako na naglalaman ng mga sumusunod na gamit impact electric drill na nagkakahalaga ng Php 3,000.00; reflectorized vest na nagkakahalaga ng Php 500.00; rubberize gloves na nagkakahalaga ng Php 150.00; tatlong extension wires na nagkakahalaga ng Php 600.00; limang piraso ng open back range na nagkakahalaga ng Php 150.00; dalawang pliers na nagkakahalaga ng Php 200.00; isang Y socket range na nagkakahalaga ng Php 200.00 at tatlong electric drill bit na nagkakahalaga ng Php1,000.00.
Ang mga dinakip ay agad dinala ng mga barangay tanod sa Calamba City Police Station upang ihanda ang mga kaukulang dokumento para sa kasong haharapin sa korte.
“Sumasaludo ako sa ating mga magigiting na barangay tanod na nakahuli sa mga suspek, ito ay isa sa mga magandang bunga ng advocacy support groups at kasimbayanan dahil sa patuloy na pag abot ng ating kapulisan sa komunidad upang patatagin ang samahan ng kapulisan at mamamayan,” ayon kay Silvio.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.