4 patay sa garbage avalance sa Cebu, 30 pa ang nawawala

0
369

Cebu City — Patuloy ang rescue operations sa landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City matapos bumagsak ang malaking tambak ng basura noong Huwebes, na ikinamatay ng apat na empleyado habang mahigit na 30 pa ang nawawala, ayon sa mga lokal na awtoridad.

Ayon kay Cebu City Mayor Nestor Archival, nakakita na ng “signs of life” sa ilang bahagi ng gumuhong basura, kaya pinag-ibayo ang paghahanap gamit ang advanced 50-ton crane na kasalukuyang patungo sa lugar kasama ang police escort.

Sa ngayon, 12 ang nailigtas mula sa gumuhong basura, karamihan ay may mga sugat. Kabilang sa apat na nasawi ang isang engineer at isang babaeng opisyal ng landfill. Lahat sila ay empleyado ng pasilidad na may kabuuang 110 staff.

Isa ang nakaligtas, si Jaylord Antigua, 31 anyos at opisyal ng landfill, ang nagsalaysay na ang pagguho ng basura ay biglaan at walang babala. ““Nakita ko ng liwanag at dali-dali akong gumapang papunta roon dahil natakot ako na baka magkaroon pa ng mga susunod na pagguho. Napaka traumac ng nangyari. Inakala kong iyon na ang katapusan ko, kaya para sa akin, ito ay pangalawang buhay ko na,” ani Antigua. Nasugatan siya sa mukha at mga braso dahil sa pag akyat mula sa ilalim ng gumuhong debris.

Nagpapatuloy ang mga rescue teams na binubuo ng pulisya, bumbero, at disaster-response personnel sa mapanganib na kondisyon sa ilalim ng mga gumuhong bakal, bubong ng yero, at tambak ng nasusunog na basura.

Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng pagbagsak ng tambak ng basura. Gayunpaman, inihahanda na rin ng lungsod ang mga hakbang upang mapangasiwaan ang posibleng problema sa koleksyon ng basura sa Cebu, isa sa mga pangunahing lungsod at port ng rehiyon.

Ayon sa mga eksperto, ang ganitong mga landfills at open dumpsites sa Pilipinas ay matagal nang banta sa kaligtasan at kalusugan, lalo na sa mga komunidad malapit sa mga tambak ng basura kung saan may mga residente na namumulot ng mga tira-tirang pagkain at basura.

Ang trahedya ng basura sa Cebu ay nagpapaalala rin sa nangyari noong Hulyo 2000 sa Quezon City, kung saan bumagsak at nag-apoy ang isang malaking tambak ng basura sa isang shantytown matapos ang ilang araw ng malakas na bagyo, na ikinamatay ng mahigit 200 katao at nagtulak ng panibagong batas para sa mas maayos na waste management sa buong bansa.

Patuloy ang operasyon ng mga rescue teams at ang mga awtoridad ay nananawagan sa publiko na iwasan ang paglapit sa lugar ng aksidente habang patuloy ang paghahanap sa mga nawawala.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.