MAYNILA. Apat na Pilipino ang naiulat na nasugatan at isinugod sa ospital matapos ang isinagawang missile strike ng Iran sa Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, Hunyo 16.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, ang mga nasugatang Pilipino ay mula sa lungsod ng Rehovot, na nasa humigit-kumulang 20 kilometro sa timog ng Tel Aviv.
“We were not sure if they were in the park or if lumabas sila ng bahay sa takot,” ani De Vega sa panayam ng ABS-CBN News.
Maliban sa apat na nasugatan, may 12 pang Pilipino ang nasa isang parke sa oras ng pag-atake.
Samantala, isang Pinay naman ang nawalan ng tirahan matapos tamaan ng missile ang Ramat Gan, sa kanlurang bahagi ng Tel Aviv. Ayon sa Philippine Embassy sa Israel, pansamantala siyang nanunuluyan ngayon sa isang hotel.
“Nakaligtas siya sa kapahamakan dahil siya ay nasa loob ng isang bomb shelter o mamad nang bumagsak ang naturang missile,” saad ng embahada sa isang social media post.
“Dahil nagdulot ng malaking pinsala ang missile sa bahay ng ating kababayan, inilikas siya at pansamantalang mamalagi sa isang hotel sa Tel Aviv. Magpapaabot pa ng karagdagang tulong at psychosocial support ang Embahada sa kaniya sa mga susunod na araw,” dagdag pa ng embahada.
Kasalukuyan ding nire-review ng Philippine Embassy sa Israel kung kailangan nang ipatupad ang voluntary o sapilitang repatriation para sa mga Pilipino sa mga susunod na araw.
Tinatayang nasa 30,000 ang mga Pilipino sa Israel, ayon sa DFA.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.