4 suspek sa pagpatay sa mag-inang balikbayan kinasuhan na ng ‘double murder’

0
183

LUCENA CITY, Quezon. Sinampahan ng Quezon Provicial Police Office ng kasong “double murder” ang apat na suspek, kabilang ang isang kapatid, sa pagpatay sa mag-inang balikbayan sa Tayabas, Quezon noong nakaraang buwan.

Ayon kay Quezon Police Provincial Director PCol. Ledon Monte, ang paghahain ng kaso laban sa mga suspek ay batay sa testimonya ng mga saksi at mga ebidensiya na nakalap sa crime scene.

Hindi pinangalanan ng pulisya ang mga suspek, ngunit batay sa mga ulat, isa sa mga ito ay kapatid ng pinaslang kasama ang asawa nito. Nagsampa rin ang pulisya ng immigration lookout bulletin order (LBO) sa prosekusyon dahil isa sa mga suspek ay may passport.

Noong Pebrero 20, dumating ang mga biktima na sina Lorry Litada, 54, at ang anak na Japanese national na si Mai Motegi, 26, isang flight stewardess, hanggang sa iulat ng kanilang kamag-anak na nawala ang mag-ina.

Nang Marso 14, natagpuan ang naaagnas na bangkay ng mag-ina hindi kalayuan sa bahay ni Ligaya Olivia Pajulas, nakakatandang kapatid ni Lorry, sa isang subdivision sa Tayabas City, Quezon, kung saan sila tumuloy pagdating mula sa Japan.

Ayon kay Monte, kumuha sila ng search warrant sa korte upang mahalughog ang bahay ni Pajulas, batay sa salaysay ng ilang saksi. Sa paghahalughog, natuklasan na sa loob ng bahay mismo nangyari ang pagpatay sa mag-ina noong madaling araw ng Pebrero 21.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.