4 testigo laban kay Duterte, hawak na ng DOJ

0
512

MAYNILA. Tatlo hanggang apat na indibidwal ang nasa ilalim ngayon ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) bilang mga testigong tutulong sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, inaalalayan ng gobyerno ang mga nasabing testigo. “Ang pagkakaalam ko, tatlo o apat pa lang iyong tinutulungan natin, but I think there will be more, there will be more,” pahayag ni Remulla.

Tiniyak din ni Remulla na tutugunan ng gobyerno ang pangangailangang pangkaligtasan at seguridad ng mga testigo, ngunit nilinaw niyang hindi sasagutin ng pamahalaan ang gastusin sa pagpunta ng mga ito sa The Hague.

Aniya, ang pakikipag-ugnayan ng ICC ay ginawa sa pamamagitan ng WPP at hindi siya personal na nakausap ng mga opisyal ng ICC. “Basta may mga taga-ICC na tumawag sa ating Witness Protection Program, doon nagsimula iyan, hindi ako ang kausap. In fact, I don’t even know them, I just let our WPP people handle it kasi nga confined iyan sa trabaho nila,” aniya.

Binigyang-diin din ng kalihim na nananatili ang posisyon ng administrasyong Marcos na hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas. Dahil dito, ginagamit ng DOJ ang Republic Act No. 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity bilang batayan sa pagtulong sa mga testigo.

“It becomes also our obligation to help them because we are giving up our jurisdiction for their jurisdiction kasi nga ang hirap na i-prove ang case dito… Kaya ipinaubaya natin sa ICC,” paliwanag pa ni Remulla.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo