MAYNILA. Maglulunsad ng imbestigasyon ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay ng ulat na nasa 400 Chinese nationals umano na nagtatrabaho sa DITO Telecommunity ang walang working visa at posibleng nagsisilbing espiya ng China.
Kinumpirma ni DICT spokesperson at Assistant Secretary Renato “Aboy” Paraiso na nalaman lamang nila ang isyu mula sa isang Facebook post ng kolumnistang si Ramon Tulfo. Ayon kay Tulfo, ang mga Chinese nationals na ito ay “have over-extended their tourist visas” habang nagtatrabaho sa telco company.
“Now that we have [knowledge], we will investigate… The DICT-CICC (Cybercrime Investigation and Coordinating Center) will formally do an investigation,” pahayag ni Paraiso.
Sa FB post ni Tulfo, binanggit na may humigit-kumulang 400 “overstaying” na Chinese nationals na maaaring magdulot ng panganib sa pambansang seguridad dahil umano sa kanilang ugnayan sa telco operations.
Dagdag pa ni Paraiso, nakipag-ugnayan na ang DICT sa Bureau of Immigration upang alamin ang legal na estado ng mga banyagang manggagawa. Kabilang din sa mga ahensyang sangkot sa imbestigasyon ang National Telecommunications Commission (NTC), isang attached agency ng DICT.
Ang DITO Telecommunity ay 60% pag-aari ng DITO CME Holdings Corp., na bahagi ng Udenna Group ni Davao-based businessman Dennis Uy, habang ang 40% ay pag-aari naman ng state-owned China Telecommunications Corporation.
Wala pang opisyal na pahayag ang DITO kaugnay ng isyu habang inaasahan ang mabilis na aksyon mula sa mga kinauukulang ahensya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.