47 PNP officials at pulis mananagot sa P6.7-bilyong shabu

0
316

Nasilip ng Philippine National Police (PNP) na may kriminal at adminis­tratibong pananagutan ang 47 na tauhan at opisyal ng ahensya kaugnay sa nasamsam na 990 kilo ng shabu sa Maynila noong nakaraang taon.

Ito ay batay sa memorandum na nilagdaan ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Director Police Major General Eliseo Cruz.

Karamihan sa mga pulis na sangkot ay galing sa Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) na pinamumunuan ni dating PDEG chief Police Brigadier General Narciso Domingo.

Ipinag-utos na ng Special Investigation Task Group 990 (SITG 990) sa 47 opisyal at tauhan na isurender ang kanilang mga armas.

Nakatakdang magsagawa ng press conference sa bukas ang SITG 990 upang talakayin ang mga natuklasan sa imbestigasyon sa kaso ng tinanggal sa pwesto na si dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.

Matapos masamsam ang 990 kilo ng shabu sa len­ding company na pag-aari nito sa drug bust noong Oktubre 2022, inaresto si Mayo na isang intelligence officer ng PDEG sa isinagawang serye ng operasyon.

Nauna dito, naghain ng leave of absence si Domingo matapos tukuyin ni DILG Secretary Benhur Abalos na kabilang sa dalawang general at siyam na iba pang opisyal ng PNP na sangkot sa “cover-up”.

Itinanggi ni Domingo ang paratang at iginiit na ang paghahain niya ng leave of absence ay upang bigyang daan ang imbestigasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.