48 na iligal na sabungero, inaresto ng Laguna PNP

0
580

Sta. Cruz, Laguna. Dinakip sa aktong nagtutupada ng Laguna PNP sa magkakabukod na anti-illegal gambling operations ang 48 na sabungero kahapon.

Ayon sa ulat na nakarating sa opisina ni Laguna Provincial Director, PCol. Rogarth B Campo, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Laguna PNP kontra iligal na sugal (tupada), na nagresulta sa pagkakadakip sa 48 katao habang naaktuhan sa iligal na tupadahan noong Pebrero 26, 2022.

Ayon sa report, isang sumbong ang natanggap ng Laguna Police hinggil sa tupada na isinasagawa sa Purok 1, Sitio Kabaritan, Barangay Sto. Domingo, Bay, Laguna. Agad na nagsagawa ng operasyon ang Laguna Provincial Special Operation Unit (PSOU) sa pamumuno ni PMaj. Jose Barce Tucio kasama ang Bay Police Station at nahuli sa aktong nagtutupada ang apatnaput apat (44) na iligal na magsasabong.

Kasabay nito ay nadakip ding Santa Rosa City Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Paulito Sabulao ang apat (4) na sabungero sa isang iligal na tupada  sa isang bakanteng lote sa Progressive Subd., Brgy. Tagapo, Sta. Rosa City.

Nahuli ang apatnaput walong sabungero sa loob ng isang araw sa lalim ng nabanggit na anti-illegal gambling operations ng Laguna PNP.

Nakumpiska sa mga naaresto ang apat (4) na buhay na manok na panabong, walong patay na tandang, apat (4) na tari, at mahigit na Php 38,970 na perang pamusta.

Ang mga inaresto ay kasalukuyang nakapiit sa mga police station na nakasasakop habang iginagayak ang kasong paglabag sa Presidential Decree (P.D.) 1602 sa Prosecutor’s office, ayon sa ulat na ipinahatid sa tanggapan ni Laguna Provincial Director, PCol. Rogarth B. Campo.

“Ito ang patunay na seryoso ang Laguna PNP sa pagsagawa ng mga operasyon laban sa mga iligal na tupada sa buong lalawigan ng Laguna,” ayon kay Campo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.