5 ang nalunod sa Laguna, Batangas, at Quezon

0
205

CALAMBA CITY, Laguna. Limang katao, kasama na ang tatlong bata, ang napaulat na nalunod sa magkakahiwalay na insidente sa Laguna, Batangas, at Quezon nitong Linggo, Abril 28.

Batay sa ulat ng Police Regionan Office 4A (PRO-4A) ngayong Lunes, isa sa mga biktima ay si Rachel Asestre, 24, na nalunod habang naliligo sa Bunga Falls sa Barangay Bunga sa Nagcarlan, Laguna, kasama ang kanyang mga katrabaho mula sa pabrika.

Bandang 4:00 ng hapon, napansin ng mga kasama ni Asestre ang kanyang pagkawala at agad na humingi ng tulong sa mga tanod. Isang oras matapos ang insidente, natagpuan ang bangkay ni Asestre at dinala sa ospital subalit idineklarang patay na.

Samantala, isa pang bata ang nasawi na si Sean Cartina, 6, matapos mag-outing kasama ang kanyang pamilya sa isang resort sa Barangay Bangyas sa Calauan, Laguna. Biglang nawala si Sean kaya’t agad itong hinanap ng kanyang pamilya. Natagpuan lamang ito ng kanyang ama sa ilalim ng pool na walang malay. Kahit na dinala agad sa pinakamalapit na ospital, hindi na ito nailigtas.

Bukod sa dalawang ito, may mga report rin ng pagkalunod sa Malvar, Batangas at Lemery, Batangas na ikinasawi rin ng ilang indibidwal.

“Napakainit ng panahon kaya’t mahalagang mag-ingat kapag nag-a outing sa tubig. Mabuting maging alerto lalo na sa mga lugar tulad ng mga resort, falls, o beach. Mahalaga ring siguruhing may kasamang may kaalaman sa life saving at may tamang pagbabantay sa mga bata, lalong-lalo na sa mga swimming pool. Alalahanin na ang kaligtasan ay laging prayoridad sa anumang paglalakbay o outing sa tubig,” ayon sa tagubilin ni Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, direktor ng PRO-4A.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.