5-anyos na batang lalaki, sa bugbog at palo ng bote ng kanyang stepfather

0
277

SAN PEDRO, Laguna. Patay ang isang 5 anyos na batang lalaki matapos bugbugin at paluin ng bote sa ulo ng kanyang stepfather.

Ang bata ay hindi na nailigtas ng mga doktor kahit na isugod agad sa ospital ng suspek na si Nerio Bartolome, 33 taong gulang.

Ayon kay Claire Donasco, ina ng bata, iniwan niya ang kanyang mga anak, kasama ang biktima at mga kapatid nito, sa pangangalaga ni Bartolome habang siya ay naghanap ng pera para sa gamot ng kanyang anak na noon ay may sakit.

Saad ni Donasco, maayos pa ang kanyang anak nang iniwan niya ito sa bahay, kahit na may sakit sa leeg matapos madapa sa hagdan.

Subalit, lumabas ang masamang asal ni Bartolome matapos aminin ng dalawang nakatatandang kapatid ni Boy sa kanilang ina ang naganap na pang-aabuso. Hindi raw pumayag si Boy na hilutin ang kanyang stepfather.

Ayon sa mga kapatid, binuhat pa ni Bartolome ang biktima at pinalo ito ng bote ng softdrinks sa ulo bago suntukin sa mukha.

Nang mawalan ng malay si Boy, dinala ito ni Bartolome sa ospital, subalit mabilis itong tumakas pagkatapos.

Ayon sa death certificate, ang sanhi ng pagkamatay ng bata ay ang namuong dugo sa ulo.

Ikinumpisal din ng mga kapatid na sila rin ay madalas na binubugbog ng kanilang ama-amahan kapag wala ang kanilang ina.

Tinutugis ngayon ng mga pulis ang suspek at hinihintay ang warrant of arrest para sa kanyang pag-aresto.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.