Sto. Tomas City, Batangas — Natagpuang patay ang isang limang taong gulang na batang babae na lumabas upang magkaroling sa Sto. Tomas, Batangas noong weekend, ayon sa ulat ng pulisya.
Batay sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa “24 Oras,” kuha ng CCTV noong Biyernes, Disyembre 19, isang lalaking nakasuot ng pulang damit ang umakay sa bata papasok sa isang bahay. Kinabukasan, Sabado, Disyembre 20, natagpuan ang katawan ng bata sa loob ng isang sako. Kinumpirma ng mga awtoridad na siya ay biktima ng sexual assault.
Mayroon ding karagdagang CCTV footage na nagpapakita sa suspek na may bitbit na bagong sako noong Biyernes. Sa hiwalay na video na kuha madaling araw ng Sabado, may napansing galaw sa madamong bahagi, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagtatapon ng katawan ng biktima.
“Kami po ay naka-receive ng isang ulat sa pagkakadiskubre ng isang katawan ng isang batang babae, kung saan ito na nga po yung napaulat na nawawala,” pahayag ni Sto. Tomas Police Chief P/Lt. Col. Marlon Cabataña.
Noong Sabado rin ay inaresto ng mga awtoridad ang 22-anyos na pangunahing suspek na nakilala mula sa CCTV footage, kasama ang isang 33-anyos na hinihinalang kasabwat. Umamin sa krimen ang una ngunit tumanggi namang magbigay ng pahayag ang ikalawang suspek.
Nakarekober ang pulisya ng ilang sachet ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek, gayundin ang tsinelas ng biktima na natagpuan sa likod ng isang pader.
Nagpahayag ng matinding dalamhati ang lolo ng biktima, isang Kinder 1 pupil, at iginiit na ipaglalaban nila ang katarungan para sa bata.
Inihahanda na ng Sto. Tomas Police ang pagsasampa ng mga kasong rape with homicide at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa mga suspek.
Samantala, muling pinaalalahanan ng Philippine National Police ang mga magulang at tagapag-alaga na tiyaking may kasamang nakatatanda ang mga bata lalo na ang mga batang babae sa tuwing lalabas upang mamasko, mangaroling o magtungo sa lansangan.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





