5 CAFGU members patay, 3 sugatan sa ambush

0
342

TAGKAWAYAN, Quezon. Limang miyembro ng CAFGU (Civilian Armed Forces Geographical Unit) ang namatay habang tatlo pa ang sugatan matapos tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Pag-asa, Brgy. Mapulot, sa bayang ito, malapit sa boundary ng Labo, Camarines Norte sa Bicol region, nitong Biyernes.

Kinumpirma ni AFP-Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) Spokesman Lt. Col. Dennis Cana ang insidente na naganap sa pagitan ng tropa ng 85th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at mga miyembro ng CAFGU.

Ang limang nasawi ay kinilalang sina Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, at Jomari Guno, lahat residente ng Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU.

Tatlo ang nasugatan, kasama ang isang sundalo, na kinilalang sina Corporal Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman, at Regie Macalintal, taga-Tagka­wayan, Quezon.

Nabatid na nagmula ang mga rebelde sa Bicol region at lahat ay may suot na red bandana at black kamisa de china, ang kanilang pangkalahatang kasuotan.

Naganap ang bakbakan nang magpapatrol ang mga government forces sa lugar, at ito ay nagresulta sa 30-minutong labanan bago umatras ang mga rebelde.

Kinumpirma ni Col. Ledon Monte, Quezon police director, na nag-dispatch na siya ng karagdagang pwersa sa lugar upang sumuporta sa tropa ng 85th IB sa pagtugis sa mga rebelde.

Sinabi ni Monte na kasalukuyan ding nagkakaroon ng joint PNP-AFP Intensified Checkpoint Operations sa lugar sa koordinasyon ng COMELEC.

Ang Quezon ay isinailalim sa deklarasyon na insurgency-free province noong Hunyo 12, ngunit ang insidenteng ito ay nagpapakita na maaari pa ring maging panganib ang mga rebelde sa ilalim ng naturang deklarasyon.

Dahil sa joint efforts ng military, pulisya, at iba pang mga grupo, marami nang bayan at lalawigan sa Quezon ang nagdeklara na ng insurgency-free status.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.