5 menor de edad, huli habang nagbebenta ng kinarnap na kotse sa Laguna

0
200

Biñan City, Laguna. 5 menor de edad, nasakote bago nila maibenta ang kinarnap na kotse sa lungsod na ito sa Laguna.

Nahuli ng mga awtoridad ang limang menor de edad na lalaki, na edad 15 hanggang 17, bilang mga suspek sa pagnanakaw ng isang sasakyan sa Biñan City, Laguna

Ayon sa ulat ng Biñan City Police Station,nahuli ang mga suspek sa Brgy. Canlalay noong Linggo ng hapon bago nila maibenta ang ninakaw na sasakyan.

Ayon sa pulisya, isang 19-anyos na babae ang nagreklamo sa kanila matapos mawala ang kanyang kotse habang nakaparada sa isang resort.

Isinalaysay ng biktima na unang nawala ang kanilang mga bag at mga cellphone at susi ng kotse habang sila ay nasa cottage.

Nang puntahan ng biktima ang paradahan ng resort, hindi na niya natagpuan ang kanyang sasakyan.

Sa tulong ng Highway Patrol Group at mga nakuhang impormasyon, natukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek na nagbebenta na ng ninakaw na mga cellphone at sasakyan.

Sinabi ng pulisya na magkakaibigan ang mga suspek, ngunit hindi sila konektado sa malaking grupo ng mga carnapper.

Nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang mga suspek habang kinukuha ang kanilang mga pahayag, ayon sa ulat.

Nakatakdang humarap sa kasong carnapping ang mga suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.