5 miyembro ng NPA sa Batangas, sumuko

0
324

Nasugbu, Batangas. Sumuko ng kusang-loob ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army at apat na kasamahan nito sa mga opisyal ng Batangas PNP at 2nd Battalion Provincial Mobile Force Company kahapon, ika-15 ng Mayo, 2023 sa Brgy. Bilaran, sa bayang ito.

Ayon sa pahayag ni Police Brigadier General Carlito Gaces, Direktor ng Calabarzon PNP, ang limang sumukong rebelde ay nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng pulisya para sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan at pagbabalik sa normal na pamumuhay.

KInilala ang limang sumuko na sina Albert Atienza, 31 anyos at regular official ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng CPP-NPA; Bryan Enriquez, 37; Enrico Mercado, 52; Fernando Atienza, 47; at Fermin Endozo, na pawang mga residente ng nasabing bayan.

Ang apat sa kanila ay mga kasapi ng Militia ng Bayan at Samahan ng Magdaragat sa Nasugbu. Ayon sa ulat, si Fernando ay dating Pangalawang Pangulo ng SMBA at ang mga miyembro nito ay pawang mga mangingisda sa lugar.

Batay sa rekord ng 2nd Batangas Provincial Mobile Force Company, isinuko ng lima ang isang Smith and Wesson cal.38, 6 na live ammunitions, dalawang 40.mm grenade, 8 detonating cords, blasting caps, ammonium nitrate para sa paggawa ng mga pampasabog, at mga kawad.

Ayon kay Gaces, ang limang sumukong rebelde ay sasailalim sa pagsusuri at orientation para sa kanilang aplikasyon upang maging bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) , at matapos ito ay bibigyan sila ng tulong pangkabuhayan mula sa pamahalaan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.