5 sako na ng hinihinalang buto ng tao ang narerekober sa Taal Lake

0
481

MAYNILA. Umabot na sa limang sako ng hinihinalang mga buto ng tao ang narekober ng mga technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nagpapatuloy na search and retrieval operations sa Taal Lake sa Laurel, Batangas nitong Sabado.

Ayon kay PCG Southern Tagalog Commodore Geronimo Tuvilla, may mga pabigat umano ang bawat sako, bagay na lalo pang nagpaigting sa kanilang imbestigasyon.

“Pagbaba mo pa lang, wala ka na halos makita, zero visibility. Kapa-kapa lang ang galaw ng divers, kaya dahan-dahan ang pagsuyod. Kapag may makapa silang kakaiba, minamarkahan agad para kapag dumating na ang SOCO, CIDG at NBI, maingat nila itong makuha mula sa ilalim,” ani Tuvilla.

Nasa lugar din ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at National Bureau of Investigation (NBI) upang masiguro ang tamang pagproseso sa mga ebidensyang narekober.

Nilagyan din ng mga buoy ang pinangyarihan upang magsilbing reference point ng mga divers sa kanilang pagbabalik.

Dakong alas-8 ng umaga nang makapa ang unang sako na may pabigat at pasado alas-2 ng hapon naman ito naiahon. Pagsapit ng alas-2:46 ng hapon, isa pang sako ang nakuha. Babalikan pa umano ng mga awtoridad ang mga pabigat na ginamit sa mga sako upang magsilbing ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.