5 suspek sa pagpatay sa beauty queen at kanyang Israeli boyfriend, kinasuhan na sa DOJ

0
92

MAYNILA. Pormal nang isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang two counts ng kasong murder laban sa limang indibidwal na itinuturong nasa likod ng pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at sa kanyang Israeli boyfriend na si Yitzhak Cohen.

Pinangunahan ni PCol. Thomas Valmonte, hepe ng Legal Division ng PNP-CIDG, ang paghahain ng kaso laban sa limang respondents, na kinabibilangan ng dalawang dating pulis. Ayon sa ulat, dalawa sa mga suspek ang direktang bumaril sa mga biktima, habang ang dalawa naman ang nagtapon sa mga bangkay.

Bukod sa kasong murder, mahaharap din ang mga suspek sa kasong conspiracy dahil sa kanilang pagpaplano sa pagpatay. “We actually filed the complaint for murder, two counts. That’s for the death of Yitshak Cohen and Geneva Lopez. And the complaint has been docketed already,” ayon kay Valmonte. “And there are five respondents that are impleaded in the complaint,” dagdag pa niya.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na posibleng ang dating pulis ang utak ng krimen. Ang hinihinalang dahilan ng pagpatay ay may kinalaman sa isang lupang isinanla ng nasabing dating pulis kay Lopez. “Based sa investigation, iyong lupa ay sinangla ng respondents sa biktima and parang gusto bawiin nila ang lupa sa mga biktima… ‘Yung mga biktima parang ayaw naman nilang ibigay kasi siyempre meron binigay silang pera so dapat ibalik sa kanila ang pera,” pahayag ni Valmonte.

Ipinlano umano ang krimen kung saan may nagpanggap na buyer ng lupa at pinapunta ang mga biktima sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac City, kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay noong Hulyo 6. Ang magkasintahan ay naiulat na nawawala mula noong Hunyo 21.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.