50 taon ng pagkatuto o pagkalimot?

0
570

“Nangyari na, tapos na.” Sa mga katagang ito, saan nga ba nagtatapos? Ang inaasahang lilikha ng tuldok, nauuwi sa tanong na hindi nasasagot. Gustuhin man nating tuldukan, pawang paghahanap ng kasagutan sa tanong ang umiiral. Kapupulutan ng maraming aral ang pagdedeklara ng Batas Militar noong Setyembre 21, 1972 at gustuhin man nating tuldukan ang pangyayaring ito, wala tayong magagawa kundi ipagpatuloy ang paggunita sa nakaraan at, kasabay nito, harapin ang bukas taglay ang mga itinuturong aral.

Unang aral, magmahalan ang kapwa Pilipino. Unang magpapamalas ng pagmamahal sa kapwa ay ang malapit sa kanya. Sa buhay ng bansa naman, ang lider ay inaasahang mapagmahal sa kanyang nasasakupan. Gagamit siya ng kapangyarihang pinapayagan ng batas upang mapanatili ang kaayusan at katiwasayan. Kung tinatapunan ang kanyang kalugar ng basura mula sa ibang lugar, siya ang kakatawan sa mga nasasakupan niya upang ipaglaban sila sa malinis na kapaligiran na dinudumi ng hindi taga-rito. Doo’y papasok tayo sa pangalawang aral:

Maging madiplomasya. Hindi maaaring magbangayan, bagkus mag-usap nang masinsinan. Sa ganito, haharapin ng lider ang mga naapektuhan. Aalamin ang sitwasyon at makikihalubilo sa kanila sa paraang mararanasan mo ang nararanasan nila. Magkakaroon siya ng lakas ng loob na harapin ang sigalot sa paraang hawak ang damdamin ng iba, damdamin ng sarili, at pakikibagay hanggang sa malaman ang panig ng pansamantalang katunggali. “Pansamantala” dahil mahal nga natin ang kapwa natin sa unang aral, kaya nais nating makipagkasundo sa hindi natin kalugar pero siyang nagiging dahilan upang dumumi ang paligid.

Tulungan. Sa ikatlong aral na ito, bayanihan ang mas malalim na konsepto, ngunit sadyain natin iyan sa mga darating nating kolum. Tulungan ang umiiral kung naiibsan ang bigatin ng kapit-bahay dahil sa tulong ng kanyang katabi o mga katabi. Tulungan ang nagaganap kung walang naaagrabyado sa lugar. Tulungan ang nangingibabaw sakaling ang nakaluluwag ay naglalaan ng oras at bukas-palad sa nangangailangan. Hindi niya kailangan ng sukli, bagama’t tama ring sabihin ng natulungan, “Dalangin kong suklian ng Diyos ang iyong kabutihan.”

Ikaapat, igalang ang mga batas. Dito, walang exempted at sasabihing “ako ang batas” o “taga palasyo ako” o kamag-anak ng nakaupo. Hindi kawalang-galang sa batas ang magpahayag ng saloobin sa pamamahala o kalampagin ang mga natutulog sa gobyerno sa kabila ng kawalang-hustisya at kawalan o kakulangan ng serbisyo-publiko. Nagmumula ang kapangyarihan ng mga nakaupo sa mga taong nagluklok sa kanila. Sa buwis din ng mga tao nanggagaling ang kanilang sweldo. Wala dapat itong malilikhang kalituhan sa pangatlong aral ng pagtulong. Ang pakikipagtulungan ay nakabatay sa mabuting pagganap ng tungkulin ng kapwa at tungkulin ng lingkod-bayan. Hindi maaaring ituring na tulong ang taong walang imik sa pagmamalabis. Napabibigat pa nga niya ang sitwasyon dahil walang lumalaban sa abusado kaya’t patuloy lang siyang mang-aabuso.

Ang pinakahuli pero pinakamahalagang aral, maging matalino. Tumatalino ang tao sa bawat pagkakamali, pero paano kung nasa tama at katotohanan na siya? Mananatili siyang matalino sa kabila ng pagpikit ng iba sa katwiran at pagtulog sa karapatan nila. Matalino ang taong payak ang pamumuhay, pero hindi rin nagpapa-api o hinahayaang maapi ang iba. Sa Ebanghelyo ni Mateo, nangusap ang Panginoong Hesukristo, “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Kaya’t magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati.” Marami sa ating kababayan ay para na ngang kalapati sa kaamuhan, ngunit hindi nagtatapos doon ang metapora (metaphor) o pagwawangis dahil pangalawang bahagi lamang iyon; ang unang binanggit ni Hesus ay “magpakatalino” tulad ng serpiyente o ahas na naging unang kontrabida sa buhay ni Eba na kinapahamak din ni Adan. Dito pa rin sa huling aral, mangahas tayong maging matalino pa sa ahas dahil matindi ang diyablo sa pag-uudyok na gumawa ng masama, at makapaghahasik siyang lalo kung uunahin niyang udyukan ang mga maykapangyarihan.

Sayang ang galing ni Pangulong Marcos Sr. kaya sumubok ang mga botante ng anak niya ngayong 2022, subalit hindi sapat na dahilan ito upang limutin ang aral ng nakaraan. Nakabuti ang Martial Law ng kanyang ama sa iilan, at hindi sa nakararami. Trauma ang inabot nang marami, bukod pa sa pagkawala ng mga mahal sa buhay sa madugo at marahas na paraan. (Nagpadala ng dalawang misyon ang Amnesty International sa Pilipinas at nailathala ang kanilang mga ulat noong 1976 at 1982.)

Sa saklap ng inabot ng marami noon, hindi pa ba tayo natututo? Sa sobrang lugmok na ekonomiya bilang epekto ng napakahabang pamumuno (read: dictatorship) na dama pa natin sa ngayon at sa susunod pang mga taon, ano ang “tapos na” sa “nangyari na?”

“Then they told us that he was there alone in the room and lying on a cot, covered with blanket. When I opened the blanket, I saw him and I was really surprised there was a smile on his face. Very distinctly smile. And I will know if it’s a message for me to keep calm, to be at peace, to let me know that he’s at peace with God.”

Ito ang matatas na wika ng karunungan mula kay Aurora Aquino noong inalala niya ang kanyang anak na si Ninoy Aquino ilang oras bago ilibing noong Agosto 31, 1983. Milyon-milyon ang lumahok sa funeral procession para sa dating senador, biktima ng pamamaslang ng rehimeng Marcos na kinasangkutan ng mga sundalong pumapaligid at ume-escort kay Aquino habang pababa ng eroplano. Sa ngiting nasilayan ng nangulilang ina, sinong mag-aakalang hudyat pala ito ng pagbaha ng mga ngiti sa EDSA nang matagumpay na tuldukan ng mga tao ang rehimeng iyon noong 1986?

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.