CALATAGAN, Batangas. Matagumpay na nasagip ang 54 pasahero at 9 na crew mula sa isang pampasaherong barko matapos magka-aberya ang makina nito sa Nasugbu, Batangas. Ang aksidenteng ay naganap isang nautical mile malapit sa Fortune Island kahapon, Linggo, Oktubre 22.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa Command Center ng Coast Guard District Southern Tagalog, ang MV Our Lady of Fatima 03 ay naglalayag mula sa Port of Tilik sa Lubang bandang 7:30 ng umaga ngunit habang ito ay nasa pagitan ng Ambil Island at Fortune Island, biglang nasira ang makina ng barko.
Inumpisahan ng mga crew ang pagsusuri at troubleshooting ngunit hindi nila ito makumpuni, kaya’t nagdesisyon silang palutang-lutangin na lamang ito sa karagatan.
Nadiskubre na ilang bahagi ng barko, partikular ang exhaust valve, ay nasira na nagsanhi ng dislokasyon ng push rod nito. Agad namang naireport ang insidente sa Coast Guard Sub Station (CGSS) Calatagan na siyang nakipag ugnayan sa kapitan ng barko para sa ilang impormasyon.
Katulong ang mga tauhan ng PCG, hinila ng MB Lubang Express ang MV Our Lady of Fatima. Sa pamamagitan ng towing operations, naayos ang baqrko at naisakay ang lahat ng pasahero at crew nito. Naidaong ang barko sa Wawa Port sa Nasugbu.
Binigyan ng medical assistance ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at ang Philippine Red Cross Nasugbu ang mga pasahero at crew na nasagip. Binigyan din ng mga kaukulang paalala ang kapitan ng barko ng CGSS Nasugbu na ireport ang insidente sa Maritime Industry Authority at kumuha ng Certificate of Seaworthiness.
Ang MV Our Lady of Fatima 03, na may gross tonnage na 69.41 at net tonnage na 16.09, ay pagmamay-ari at pinamamahalaan ni Rosa Maria Pamaran at kapitan nito si Florecel Palacio.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.