BIÑAN CITY, Laguna. Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 56 parcels na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang interdiction operation sa Barangay Tubigan sa lungsod na ito noong Huwebes ng gabi, Agosto 1.
Ayon sa PDEA 4-A, nakatanggap sila ng report mula sa supervisor ng isang courier company tungkol sa mga parsela na pinaghihinalaang naglalaman ng ilegal na droga. Agad na nagsagawa ng operasyon ang PDEA Seaport Interdiction Unit-Batangas at PDEA-Laguna Provincial Office na nagresulta sa pagkakakuha ng isang sako na naglalaman ng 56 parcels na may iba’t ibang laki. Ang mga parcel na ito ay naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana na may kabuuang bigat na 7,000 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng P840,000.
Sa kasalukuyan, tinutunton ng PDEA ang pinagmulan ng mga parsela at ang mga nagpadala nito. Ang mga responsable sa pagpapadala ng mga parcel ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.