6.3K litro ng langis na kolekta ng PCG sa Oriental Mindoro oil spill cleanup

0
211

Mahigit 6,000 litro ng langis at tubig na hinaluan ng iba pang kontaminadong materyales ang nakolekta sa paglilinis sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) sa oil spill site sa Oriental Mindoro.

Sa update kahapon, sinabi ng PCG na may kabuuang 700 litro ng pinaghalong langis at tubig ang nakolekta ng MTUG Lidagat at MTUG Titan-1 noong Martes lamang, kaya umabot sa 6,303 litro ang kabuuang narekober na mixture mula noong Marso 1.

Anim na sako ng oil-contaminated na materyales ang narekober din sa nabanggit ding araw, na may kabuuang 56 na sako ng oil-contaminated na materyales na nakolekta sa isinagawang offshore oil spill response operations.

Para sa shoreline response, nakakolekta ang PCG ng 140 sako ng oil-contaminated materials noong Martes.

May kabuuang 1,071 sako at 22 drum ng basura ang nakolekta sa 13 apektadong barangay sa Naujan, Bulalacao at Pola, Oriental Mindoro simula noong Marso 1.

Sa ngayon, ang joint government at private sector response operations ay nag-deploy ng oil spill boom at manu-manong nagi-scoop ng langis gamit ang skimmer sa paligid ng hinihinalang lugar ng lumubog na MT Princess Empress sa humigit-kumulang 7.1 nautical miles hilagang-silangan ng baybayin ng Balingawan Port, Lucta Port, at Buloc Bay sa Oriental Mindoro.

“The National Strike Force Offshore Team will continue its operations around the suspected area of the sunken vessel to contain and recover the remaining oil spill, which threatens the area’s rich marine biodiversity,” ayon sa PCG.

Noong Lunes, ibinahagi ng Japan Disaster Relief (JDR) expert team ang kanilang mga obserbasyon sa isinagawang briefing ng PCG Incident Management Team sa Pola.

Sinabi ng mga Japanese expert na ang mga cleanup operations ay epektibong nakabawas sa epekto ng oil spill sa mga coastal barangay at pinaalalahanan ang mga responders sa tamang pamamahala ng mga nakolektang basura.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.