LUCENA CITY. Isang motorized boat ang tumaob sa karagatan ng Pacific Ocean malapit sa islang bayan ng Polillo, Quezon province, kung saan nasagip ang limang pasahero nito noong Miyerkules.
Sa ulat ng Quezon Provincial Police Office kahapon, bandang 3:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa bangkang naglayag mula sa isla ng Patnanungan patungo sa bayan ng Real, Quezon, para maghatid ng isda.
Ayon sa pahayag ng mga pasahero, hinampas ng malalakas na alon ang bangka at lumubog malapit sa Barangay Languyin sa Polillo. Agad na tumulong ang mga mangingisda at dinala ang mga pasahero sa ligtas na lugar, at inihatid sa kanilang mga pamilya sa Patnanungan.
Hindi pinangalanan ang limang pasahero na nasagip.
Samantala, nakita na ng Philippine Coast Guard (PCG) si Willie Miranda, 50, isang mangingisda na nawawala mula pa noong Nobyembre 14 sa karagatan ng Polillo.
Ngayong umaga, nakatanggap ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Mauban ng ulat mula sa CGSS Patnanungan na nagbigay impormasyon na si Miranda, ang nawawalang mangingisda, ay nasa pangangalaga na ng kanyang kapatid sa Barangay Cagbalete 1, Mauban, Quezon.
Pinaalalahanan naman ng PCG District Southern Tagalog ang mga may maliliit na sasakyang pandagat sa hilagang Quezon na huwag maglayag dahil sa maalong dagat. Ang paglalayag sa Eastern seaboards ng southern Luzon, kabilang ang Polillo Islands, ay suspendido, kasama ang hilagang baybayin ng Panukulan at ang hilagang at silangang Baybayin ng Burdeos, Patnanungan, at Jomalig.
Gayundin, naglabas ng paalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Miyerkules ng hapon, na may malakas na hanging nauugnay sa hilagang-silangan na monsoon na maaaring makaapekto sa ilang lugar sa hilagang Quezon sa karagatang Pasipiko.
Dahil dito, suspendido ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat na may 250 gross tons o mas mababa, tulad ng de-motor na mga pampasahero o pangisda, sa nabanggit na mga lugar.
Inaasahan na aalisin ang suspension order ng PCG kapag bumuti ang lagay ng panahon at dagat.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.